Biyernes, Enero 20, 2012

“Isang di Malilimutang Pangyayari”

     Noong nakaraang taon, isang di malilimutang pangyayari ang naganap sa aming magkakaibigan, kung saan nasubok ang aming katatagan.
Isa sa aming kaibigan ay nasagasaan ng isang motorsiklo. Hindi namin lubos ma-isip na matapos ang aming mga tawanan at saya nang araw na iyon at nang iwan namin siya’y bigla nalang siyang nasagasaan ng isang motorsiklong rumaragasa. Nang makita namin siyang nakahandusay sa kalsada sinubukan namin siyang sundan, ngunit pinigilan kami ng mga nakatatanda sa amin. Napaka sakit isipin na sa pangyayaring iyon wala man lang kaming na-itulong sa kanya, nag iyakan lamang kami’t pinahiran ng panyo ang aming mga luha. Sa kalagitnaan ng kalsada na tunton pa namin ang mga bakas ng dugo ng aming kaibigan. Agad-agad din naman siyang dinugok ng mga tao at tinunton din ng mga pulis ang pinagmulan ng pangyayari. Masakit din para sa amin na nakikita siyang nahihirapan at nag titiis sa kalsada dahil sa tagal ng pagdating ng ambulansya, at maliban pa doon ay pinagtitinginan lamang siya ng mga tao at kinukunan pa ng litrato.
          Hindi talaga namin lubos ma-isip na mangyayari iyon, dahil nung araw na iyon, iniwan pa niya sa amin ang “badmenton racket” niya dahil nangako siyang maglalaro pa kami pagka bukas. Simula sa araw na iyon, lahat kaming magkakaibigan ay hindi na makatulog ng maayos, dahil sa tuwing pumipikit kami naaalalanamin ang mga nangyari.
          Nang sumunod na araw wala pa rin kaming tigil sa pag-iyak, lumaki na ang ”eye bags” namin sa ka-iiyak. At napag desisyunan namin na bisitahin siya sa ospital sa araw na iyon. Pagdating namin sa ospital, sumalubong sa amin ang kanyang ina na iyak nang iyak din, kaya naman napa-iyak din kaming lahat. Pagpasok namin sa kwarto niya, hindi namin napigilian ang aming emosyon napa-iyak talaga kami dahil sa umiyak din siya pagka kita niya sa amin, kaya nilapitan namin siya’t pinahiran ng panyo ang kanyang mga luha. Iyak siya nang iyak kaya hindi siya makapag salita sa amin, kaya mina buti naming sa kanyang ina nalang kami magtanong tungkol sa kanyang kondisyon. At dun namin nalaman na o-operahan pala siya at ang kanyang kanang bahagi ng kamay at paa ang o-operahin, kaya naman mas lalo kaming nag-alala sa kanya. Kaya araw-araw at gabi-gabi lagi namin siyang pinagdadasal. Pinagdadasal namin ang kanyang mabilis na pag galing , at hindi naman kami binigo ng Poong maykapal, dahil ngayon mabuti na ang kanyang kalagayan.