Ano nga ba ang Pag-ibig? Ito ang tanong na kay hirap ipaliwanag sa isang salita lamang, sapagkat ang pag-ibig ay napakaraming kahulugan. Bawat nilalang dito sa mundo’y may kanya-kanyang depinisyon nito, mapa bata man o matanda, may ngipin o wala.
Ang pag-ibig ay parang agos ng tubig, kahit ano mang hahadlang nito’y patuloy at patuloy pa rin itong aagos. Katulad ng pag-ibig o pagmamahal ng aking nanay na iniaalay niya sa amin, kahit ano mang daguk ng buhay ang aming pinagdadaraanan patuloy at patuloy niya pa rin kaming minamahal at inaaruga, ni minsan sa buhay niya hindi niya inisip na iwanan kami sa kalagitnaan ng mga problemang pinagdadaanan namin noon at magpa hanggang ngayon. Handa niyang tiisin ang lahat-lahat para sa ikabubuti namin, sabi pa nga niya sa amin, “di bale nang masaktan siya, huwag lang kaming mga anak na pinakamamahal niya”. At lahat ng ito’y dahil sa pag-ibig niya sa aming magkakapatid.
Nagkakaroon ng pag-ibig kapag natuto kang magpahalaga ng isang tao, bagay o maging isang hayop. Ang pag-ibig ay parang hangin, bigla lamang itong susulpot, gustuhin mo man o hindi. Hindi mo ito makokontrol o madidiktahan, ang puso mo lamang ang nakakaalam nito.
Mayroong pag-ibig sapagkat tayo ay tao. Kung tao ka marunong ka talagang magmahal. Kahit nga mga hayop ay marunong din mag mahal, di man sila nagsasalita ngunit nai-papadama naman nila ang pagmamahal nila sapamamagitan ng kanilang pag kilos o paglalambing sa mga tao. Bahagi na ng buhay ng tao ang pag-ibig, dahil kung walang pag-ibig, mawawalan ng saysay ang ating buhay.
Layunin ng pag-ibig na magka-isa at magka-intindihan ang bawat mamamayan dito sa mundo sa lahat ng mga bagay-bagay sa ating lipunan. Sapagkat kung marunong kang magmahal, handa kang rumespeto, umunawa at makinig sa mga opinyun ng iyong mga kapwa tao na nakakasalamuha mo sa bawat oras at araw ng buhay mo.
Naniniwala ako na ang pag-ibig ay ang “Dios” na siyang nagbigay ng buhay at mga biyaya sa amin. Isa sa pinakamahalagang biyaya ng Diyos sa akin ay ang aking pamilya’t kaibigan na siyang pinaghuhugutan ko ng aking lakas sa tuwing ako’y nanghihina, ang aking sandata sa bawat laban na aking hinaharap sa buhay. Sila ang nagbibigay kahulugan ng aking buhay. Ang pamilya ko ang nagsisilbing dahilan kung bakit nagsusumikap ako sa aking pag-aaral, dahil gusto kong mai-raos sila sa hirap balang araw. Ganyan ko sila kamahal, na handa kong harapin at tiisin ang lahat-lahat ng mga pagsubok sa buhay.
Mahalaga ang pag-ibig sa buhay ng bawat tao, sapagkat ito ang nagsisilbing gabay natin sa ating pang araw-araw na buhay, umulan man o umaraw. Kung walang pag-ibig tiyak na napakagulo ng ating buhay, walang pagkaka-isa at pagkakaunawaan. At higit sa lahat, mahalaga ang pag-ibig sapagkat kung walang pag-ibig ay wala din tayo sa mundong ito, dahil nilikha tayo ng Poong Maykapal dahil sa pag-ibig o pagmamahal niya sa atin. Kaya bilang kapalit ay dapat din tayong mag-alay ng PAG-IBIG sa ating kapwa tao, at lalung-lalo na sa Poong Maykapal.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento